-- Advertisements --

Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang publiko na isumbong ang mga epal na politiko na naglalagay ng kanilang mga pangalan at mukha sa mga proyekto ng pamahalaan.

Ito ay matapos ipag-utos ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang mas mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Epal Policy sa lahat ng mga local government units (LGU) at mga opisina ng kagawaran sa buong bansa.

Sa ilalim ng direktiba, dapat nang tanggalin ang mga imahe, pangalan, o anumang pagkakahawig ng mga public official sa mga programa, aktibidad, at ari-arian na pinondohan ng kaban ng bayan.

Binigyang-diin ng kalihim na ang bawat proyekto ay binabayaran ng taumbayan kaya hindi ito dapat gamitin para sa personal na interes o political promotion.

Ang nasabing hakbang ay bahagi ng pagsusumikap ng DILG na linisin ang burukrasya mula sa mga tradisyunal na gawi ng mga opisyal tuwing may ipinapatayong imprastraktura o naglulunsad ng mga serbisyo.

Ang Anti-Epal Policy ay matagal nang isinusulong sa pamahalaan upang matiyak ang accountability at upang ipaalala na ang mga serbisyo publiko ay obligasyon ng gobyerno at hindi utang na loob mula sa mga nakaupong opisyal.