Ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman ang inihaing mosyon ng House of Representatives para baliktarin ang desisyon nagdeklarang ‘unconstitutional’ sa articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Inanunsyo mismo ito ni Atty. Camille Sue Mae Ting, tagapagsalita ng Korte Suprema sa isinagawang pulong balitaan ngayong araw.
Alinsunod aniya raw ang naturang desisyon sa naganap Supreme Court En Banc Session kahapon, ika-28 ng Enero sa taong kasalukuyan.
Ibig sabihin, pinagtibay ng Kataas-taasang Hukuman ang nauna nitong desisyon noong July 25, 2025 nagsasabing hindi naayon sa batas ang ikaapat na impeachment complaint na ipinasa sa Senado noong February 5, 2025.
Ang na-transmit raw kasing impeachment complaint ay sakop na sa tinatawag na 1-year bar rule nakasaad sa konstitusyon ng bansa.
Dagdag pa ng naturang tagapagsalita na ang pagkakabasura sa naturang mosyon ay buhat sa ‘unanimous vote’ ng mahistrado.
Subalit hindi nakilahok rito sina Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, habang si Associate Justice Maria Filomena Singh nama’y naka-leave.
Binigyang linaw naman ng Korte Suprema na ang naunang tatlong impeachment complaints inihain para isulong mapatalsik ang bise presidente ay hindi anila nailagay sa Order of Business sa loob ng 10 session days.
Sa ilalim raw kasi ng Article XI ng Section 3, subsection (2), ang unang mode o paraan sa pagsusulong ng impeachment hindi nangangahulugang nakabase sa legislative session days.
Kundi, nilinaw ng korte na ito’y nangangahulugan o katumbas sa ‘calendar day’ kung saan isinasagawa ng House of Representatives ang sesyon.
Buhat nito’y ibinahagi ni Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting na ang naging desisyon ng mahistrado hinggil sa impeachment ay layon mapanatili rin ang ‘constitutional rights’ ng bawat isa sa pagsasagawa ng ganitong uri ng proseso.















