-- Advertisements --

Nakikipag-ugnayan na ang Embahada ng Pilipinas sa mga awtoridad sa Amerika matapos mapaulat na hindi pinayagang makapasok sa pantalan ng Amerika ang ilang Pilipinong seafarers sa mga nakalipas na buwan.

Sa isang statement ngayong Miyerkules, Oktubre 22, tiniyak ng Embahada na nakikipag-usap na sila sa US Department of State at Department of Homeland Security kaugnay sa naturang insidente.

Paliwanag ng Embahada na napag-alamang tinanggihan umano ang pagpasok ng mga Pilipinong tripulante alinsunod sa umiiral na mga batas ng Amerika.

Samantala, sinabi rin ng embahada na inaasikaso na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga ulat na may ilang Pilipinong seafarers ang nawalan ng trabaho dahil nakulong at na-deport mula sa mga pantalan ng Estados Unidos.

Iginiit ng Embahada ang nauna ng pahayag ng DMW na nakahanda itong magbigay ng tulong para sa mga apektadong tripulante.

Matatandaan, nauna ng nabunyag sa pagtestigo ng ilang Pilipinong crew ng isang cruise ship sa Senate hearing noong Agosto na hindi sila pinayagang makapasok sa US kahit pa wala namang nakita ang mga opisyal ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) na pornography materials nang suriin ang kanilang mga mobile phone nang sumampa sa kanilang cruise ship ang mga awtoridad.

Ayon kay Senator Raffy Tulfo, ang Senate Commiitte on Migrant Workers chair, na nagdulog ng naturang isyu noon kay outgoing US Ambassador MaryKay Carlson, na ilang seafarers ang ikinulong muna bago sila ipinadeport.