Itinanggi ng Embahada ng Pilipinas sa Estados Unidos ang umano’y crackdown sa mga Pilipinong may dual citizenship sa Amerika.
Sa isang statement, pinasinungalingan ng embahada ang kumakalat na video sa social media na nagsasabing inoobliga umano ng US government ang dual citizenship holders para i-renounce ang kanilang ibang nasyonalidad simula ngayong Oktubre 2025.
Iginiit ng embahada na wala itong katotohanan.
Muling binigyang diin ng embahada ang nauna nitong inilabas na abiso na walang pagbabago sa polisiya ng US government kaugnay sa dual citizenship.
Saad pa ng embahada, patuloy na kinikilala ng Amerika ang mga indibidwal na may mahigit pa sa isa na nasyonalidad.
Kaugnay nito, hinimok ng embahada ang Filipino community na iberipika muna ang impormasyong natatanggap sa official government sources, iwasan ang hindi beripikadong content at iulat ang maling impormasyon sa platform kung saan ito inilathala. Pinayuhan din ang mga Pilipino sa US na dumulog lamang sa embahada at konsulada na malapit sa kanilang lugar.