-- Advertisements --

Nilinaw ng Embahada ng Pilipinas na walang anumang pagbabago sa polisiya kaugnay sa dual citizenship.

Ito ay sa gitna ng panukalang batas sa US Senate para mawaksan na ang dual citizenship sa Amerika.

Sa isang statement, ipinaliwanag ng embahada na kasalukuyan pa lamang na isang legislative proposal ang naturang bill at hindi pa ito naisasabatas.

Sasailalim pa aniya ito sa masinsinang proseso ng deliberasyon at maaari matuloy o hindi depende sa magiging pasya ng US Congress.

Masusi aniyang ikokonsidera ng mga mambabatas sa US ang mga probisyon ng panukala, dahil sa posibleng mga epekto nito sa mga malalaking grupo ng mga imigrante sa naturang bansa.

Gayundin, binigyang diin ng Embahada na hindi naisakatuparan ang mga nagdaang paghamon sa dual at multiple citizenship.

Ayon pa sa Embahada, noon pang 1952, inihayag na ng US Supreme Court na ang dual citizenship ay isang estado na matagal nang kinikilala ng batas at ang isang indibidwal ay maaaring pairalin ang karapatan sa nasyonalidad sa dalawang bansa at subject din sa mga responsibilidad. Ang paggiit din aniya ng mga karapatan ng isang nasyonalidad ay hindi nangangahulugan ng pagtalikod sa iba pa nitong nationality.

Kaugnay nito, sinabi ng Embahada na maigting na nakasubaybay ang kanilang Philippine Foreign Service Posts at inaabisuhan ang mga Filipino-American community na maging maingat sa pag-renounce ng kanilang citizenship bilang Pilipino dahil ito ay isang hindi na mababawi pang legal na aksiyon.

Pinayuhan din ang mga Fil-Am community na makipag-ugnayan sa Embahada o sa pinakamalapit na Konsulada ng Pilipinas para sa anumang katanungan.