-- Advertisements --

Pinasinungalingan ng Department of National Defense (DND) ang kontrobersiya kaugnay sa dual citizenship ni Defense Secretary Gilberto Teodoro.

Sa isang statement, ipinaliwanag ni DND spokesperson Asec. Arsenio Andolong na isinuko at tinalikuran na ni Sec. Teodoro ang kaniyang Maltese passport bago pa man maghain ng kaniyang kandidatura sa pagka-Senador noong 2021 para sa halalan noong 2022.

Ayon sa Defense official, ang existence ng naturang pasaporte ay isiniwalat sa Bureau of Immigration at Comelec bago ang 2022 elections, gayundin sa Committee on Appointments bago ang kumpirmasyon ng kaniyang appointment bilang Defense Secretary.

Saad pa ni ASec. Andolong na ang motibo ng naturang rumor ay malinaw at batid ni Sec. Teodoro.

Ang timing din aniya ng paglabas ng naturang article hinggil sa umano’y dual citizenship ng kalihim ay nakadagdag sa nasabing motibo.

Base sa lumabas na article, nakuha umano ni Teodoro ang kaniyang Maltese citizenship sa pamamagitan ng golden-passport o citizenship-by-investment program ng European country.

Sa ilalim nga ng batas, pinagbabawalang magkaroon ng dual citizenship ang mga humahawak ng posisyon sa gobyerno lalo na ang mga nasa Gabinete.