Nilinaw ni Department of National Defense (DND) spokesperson ASec. Arsenio Andolong na maiging nakadokumento ang mga agresyon ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Ginawa ng DND official ang pahayag bilang pagtutol sa maling pananaw ng China na ang mapanganib na aksiyon sa dagat ay katumbas ng epektibong mga hakbang kasunod ng water cannon incident laban sa mga mangingisdang Pilipino noong Dsiyembre 12.
Giit ni ASec. Andolong, hindi distorted o binaluktot ang naturang insidente na nagresulta sa pagkasugat ng mga mangingisdang Pilipino, pagkasira ng kanilang bangkang pangisda at sinadyang malagay sa panganib ang kanilang kaligtasan bunsod ng mga mapanganib na aksiyon ng Chinese vessels na pagbomba ng water cannon attack, pagharang at pagputol sa anchor lines ng Filipino fishing boat.
Ang mga insidenteng ito aniya ay may timestamp, suportado ng video at recordings, vessel logs at on-site reporting ng Philippine Coast Guard (PCG).
Binigyan diin din ng opisyal na hindi pinapalaki ng Pilipinas ang isyu at ang katotohanan na ang siyang nagsasalita para sa kanila. Ang mga ito aniya ay agresibo, labis at mapanganib na mga aksiyon ng isang nanghihimasok na estado.
Inamin din aniya ng mismong Coast Guard ng China ang pagpapatupad nila ng control measures, na nagkukumpirma ng kanilang pangingialam sa mga sibilyang bangkang pangisda at mga barko ng PCG na nagbibigay ng tulong sa mga nasugatang sibilyan.
Walang “rhetorical reframing” aniya ang makakapagbaluktot ng katotohanan na nasugatan ang mga ordinaryong mangingisda habang legal na nangingisda sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas at ang sadyang pagpigil ng Chinese Coast Guard sa humanitarian efforts ng panig ng Pilipinas.
Sa huli, muling binigyang diin ng DND na ipagpapatuloy ng Pilipinas ang pagprotekta sa mamamayan nito, pagpapatibay ng international law at paggiit ng mga karapatan nito nang kalmado, propesyunal at bukas.
Iginiit ng DND na hindi matatakot ang Pilipinas sa patuloy na pambubully ng China o ang tinatawag na “effective measures nito.”
















