-- Advertisements --

Walang nakikitang direktang banta sa ngayon laban sa mga tropang Pilipino na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa kabila ng ulat na pagdami ng mga barko ng China sa lugar, ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro.

Sa sidelines sa pakikiisa ng kalihim sa pagdiriwang ng National Heroes’ day sa Libingan ng mga Bayani, sinabi ni Teodoro na ligtas pa rin ang mga sundalong Pilipino sa West Philippine Sea.

Subalit kung may tangkang paglapit o paglusob sa outpost, may nakahandang mga contingency plan ang bansa upang protektahan ito.

Ayon sa kalihim, may mga naobserbahang pagtaas ng presensiya ng Chinese vessels hindi lang sa Ayungin kundi sa iba pang bahagi ng West Philippine Sea. Bahagi umano ito ng normal na galaw sa rehiyon, lalo’t katatapos lamang ng Exercise Alon, ang naval drill sa pagitan ng Pilipinas at Australia.

Nilinaw din ni Sec. Teodoro na walang kumpirmadong ulat na may bitbit ngang mabibigat na armas ang mga barko ng China na namataan sa naturang bahura kamakailan, at nanawagan sa publiko na maging mapanuri laban sa maling impormasyon gaya ng claim ng China na hinatak umano nito ang nakasadsad na BRP Sierra Madre, na hindi aniya totoo.