Nagbabala ang Ministry of Defense ng China sa posibleng consequences kaugnay sa umano’y pagpapalala ng Pilipinas sa mga insidente, probokasyon at paglabag sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Ayon kay Chinese defense spokesperson Senior Colonel Zhang Xiaogang, dapat umanong agad itigil ng Pilipinas ang mga aksiyong ito kundi ay may karampatan itong consequences.
Iginiit nito na ang Ayungin, na tinatawag nilang Ren’ai Jiao at parte ng Nansha Qundao ng China ay isang minana umanong teritoryo ng China kayat lehitimo umano para sa mga barko ng China na mag-operate sa katubigan sa ilalim ng kanilang hurisdiksiyon.
Ginawa ng Chinese official ang pahayag kasunod ng napaulat na paglapit umano ng dalawang maliliit na Navy boats ng Pilipinas mula sa BRP Sierra Madre sa mga barko ng China Coast Guard (CCG) sa mapanganib umanong paraan.
Iniulat naman ng Chinese ministry na maraming barko ng China ang nagkumpulan sa lugar at ilang barko naman ang tila armado ng machine guns.
Sa ngayon, wala pang tugon ang panig ng PH kaugnay sa panibagong pahayag ng China subalit nauna ng iginiit ng Philippine Navy na hindi dahilan ng pagkaalarma ang namataang tugboat malapit sa BRP Sierra Madre.
Ginawa ng Hukbo ang paglilinaw dahil sa pangamba sa posibleng paghatak umano sa nakasadsad na barko ng PH na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, bagay na nauna na ring pinabulaanan ng PH Navy.