-- Advertisements --

Namataan ang presensiya ng 24 na barko ng China sa Ayungin Shoal bago pa man ang posibleng resupply mission sa BRP Sierra Madre.

Kinumpirma ni Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na naispatan ang apat na barko ng China Coast Guard at 20 Chinese maritime militia vessels sa lugar kahapon, Setyembre 4.

Aniya, dati nasa apat na maritime militia lamang at dalawang Coast Guard vessels ang nasa lugar marahil dahil sa hindi magandang lagay ng panahon subalit sa nakalipas na apat o limang araw ay mahigit 20 Chinese vessels ang namataan.

Tumanggi namang magbigay ng detalye ang Navy official sa magiging susunod na resupply mission sa BRP Sierra Madre subalit iginiit ng opisyal na hindi maaaring pabayaan ang pangangailangan ng mga kasundaluhang nakaistasyon sa outpost ng ating bansa sa WPS.

Aniya, nakadepende sa commander ng Western Command ang mga detalye ng susunod na rotation and resupply (RORE) mission.

Subalit ayon kay Rear Adm. Trinidad, huling isinagawa ang resupply mission sa BRP Sierra Madre noong Hulyo.