-- Advertisements --

Itinuturing ng National Maritime Council (NMC) na ‘predictable’ ang pagdagdag-bawas ng mga barko ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, ipinaliwanag ni NMC spokesperson USec. Alexander Lopez na nakadepende sa panahon ang pagdami o pagbabawas ng mga Chinese vessel sa WPS.

Aniya, base sa monitoring ng Armed Forces of the Philippines (AFP), mayroong average na 20 barko ng China kada araw ang namomonitor ngayong Disyembre.

Ayon kay USec. Lopez, ang ginagawang ito ng mga barko ng China ay para iparating ang mensahe o ambisyon na sakupin ang buong pinag-aagawang karagatan kabilang na ang West Philippine Sea.

Samantala, inilatag din ng NMC official ang mga ginagawang hakbang ng Philippine Coast Guard katuwang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang ma-maximize pa ang kanilang “strategic presence” sa WPS.

Kung saan, ayon kay USec. Lopez, mayroong schedule na sinusunod ang mga ito kung saan ang kanilang “patrol area” o saang lugar sila magpapatroliya upang hindi sa iisang lugar lamang kundi naipapakalat ang iba’t ibang assets sa estratehikong paraan.

Ito aniya ang ginagawang mga hakbang ng pamahalaan para mabantayan ang mga katubigang sakop ng bansa habang inaantay pa ang pagdaragdag ng barko o sea assets ng Pilipinas.