-- Advertisements --

Inihayag ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang tunay na isyu sa WPS ay kung sino ang patuloy na lumalabag sa international law at nambabalahura sa mga mangingisdang Pilipino at nambubully sa mga barko ng PCG.

Hindi aniya ang usapin sa “caricature” o transparency effort ng gobyerno ng Pilipinas.

Ito ang naging tugon ng opisyal sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo nang matanong kung nagkausap sila ng Pangulo, bilang tumatayong chief architect ng foreign policy ng Pilipinas, kasunod ng inihaing diplomatic protest ng China laban sa PCG official.

Ayon kay Comm. Tarriela, wala pa silang naging pag-uusap ng Pangulo kaugnay sa naturang usapin, bagamat mayroon aniyang direktang linya ng komunikasyon ang PCG maging ang National Security Adviser sa Pangulo.

Matatandaan kasi na naghain ang China ng diplomatic protest noong nakalipas na buwan laban kay Tarriela matapos gamitin ng opisyal sa isang presentation ang caricature ni Chinese President Xi Jinping sa pagdetalye ng mga isyu sa WPS.

Nang matanong din ang PCG official sa hakbang ng panig ng Pilipinas kasunod ng diplomatic protest ng China, iginiit ni Commodore Jay Tarriela na hindi dapat maging hadlang sa ginagawang transparency effort ng pamahalaan ang diplomatic protest ng China laban sa kaniya.

Pinasalamatan din ni Commodore Tarriela ang mga Senador at ilang kongresista na kasama niyang tumitindig sa paninindigan sa usapin sa WPS, na isang malaking bagay para sa kaniya, para sa PCG, at sa mamamayang Pilipino na naniniwala sa kahalagahan ng laban sa WPS.

Nagpahayag din ng suporta ang PCG official sa paninindigan ng chief executive na last resort ang pagdedeklara sa Chinese Ambassador ng China bilang persona non grata bilang paraan ng diplomasiya.