Pinabulaanan ni Naga City Mayor at dating bise presidente Leni Robredo ang kumakalat na fake news online na peke o staged umano ang kaniyang pagsakay sa pampasaherong bus patungong Maynila nang walang kasamang security o bodyguard.
Sa isang post online, nilinaw ni Robredo na ang nag-viral na video sa bus terminal ay hindi galing sa kaniyang kampo, kundi orihinal na kuha at ini-upload ni Sangguniang Kabataan (SK) Chair Marlon Casilao.
Paliwanag pa ng alkalde, nagkataon lamang na nandoon din ang opisyal ng SK sa lugar.
Umani ng iba’t ibang reaksyon sa social media ang nasabing insidente.
Habang pinuri ng mga taga-suporta ang pagiging simple ng alkalde, pormal naman itong kinuwestiyon ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ayon kay Roque, mas kapani-paniwala sana ang sitwasyon kung ordinaryong komyuter ang kumuha ng larawan at hindi ang mismong staff ni Robredo.
Ang pinapatungkulan ni Roque ay ang hiwalay na larawan na naunang ibinahagi ng executive assistant ni Robredo na si Ray-An Rentoy.
Ayon kay Rentoy, pinili ng alkalde na mag-commute patungo sa kaniyang official business sa mga ahensya ng gobyerno sa Maynila kaysa gumamit ng government vehicle.
Ito ay upang makatipid umano sa krudo sa gitna ng serye ng oil price hikes bunsod ng tensyon sa Middle East.
















