-- Advertisements --

Umaasa parin si Vice Ganda na muling pag-iisipan ni dating Vice President at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo ang posibilidad na tumakbo sa pagkapangulo sa 2028, sa kabila ng naunang pahayag nito na hindi na siya tatakbo.

Sa isang panayam, sinabi ng host-komedyante na patuloy niyang susuportahan si Robredo.

“Marami namang nagsabing kung sila lang, hindi na sila tatakbo pero dahil sa clamor at sa kagustuhan nilang makapagsilbi, nagbabago,” paliwanag ni Vice.

Dagdag niya, ang desisyon na tumakbo bilang presidente ay “hindi lamang desisyon para sa sarili mo,” kaya’t maraming tao ang nagbabago ng isip kapag nare-realize nilang hindi ito tungkol sa kanila lamang.

Hindi lamang si Vice Ganda ang nag-uumapaw ng suporta kay Robredo. Ayon kay showbiz insider Ogie Diaz, patuloy na tumataas ang suporta para sa politiko, lalo na matapos nitong manguna sa ilang survey. “Patuloy na tumataas sa survey, ibig sabihin, nanganganak na ang bilang ng mga naniniwala sa kanya bukod sa mga solid supporters,” aniya sa Facebook post.

Samantala, si Rica Peralejo naman ay nagsabing natutuwa siya na nagagawa ni Robredo ang kanyang tungkulin sa posisyon kung saan tunay siyang iginagalang at pinahahalagahan.

Paliwanag niya, “Kahit ginusto ko siya maging presidente minsan, alam kong mahirap gawin ito ng mabuti kung mismong mga mamamayan ang nagpapabagsak sa kanya dahil sa fake news at politicking.”