Itinanggi nina Vice Ganda at social media personality na si Zeinab Harake ang mga paratang na nakakuha umano sila ng maraming tiket ng BTS’ sa pamamagitan ng special connections.
Naging usap-usapan ito sa social media platform na X (dating twitter) amatapos akusahan ng ilang netizens ang ilang celebrities at influencers na umano’y nakakuha ng maraming tiket para sa inaabangang pagbabalik ng K-pop supergroup sa Pilipinas.
Nagsimula ang kontrobersiya matapos maglabasan sa social media ang mga reklamo ng ilang BTS fans na hindi nakabili ng tiket dahil mabilis itong naubos. May mga netizen na nag-akusa na may mga tiket umanong nareserba para sa ilang mga personalidad at influencers.
Isa si Vice Ganda sa nadawit sa isyu matapos kumalat ang alegasyong nakakuha umano siya ng limampung tiket. Agad itong pinabulaanan ng comedian-host at sinabing walang katotohanan ang mga paratang laban sa kanya.
Samantala, itinanggi rin ni Zeinab Harake ang mga akusasyon. Ayon sa content creator, kasalukuyan siyang nasa Europe at wala siyang kinalaman sa sinasabing ticket hoarding.
Dagdag pa ni Zeinab , kung posible mang makabili ng ganoong karaming tiket, mas gugustuhin niyang ipamigay ang mga ito sa mga lehitimong BTS ARMY fans.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na ebidensiya na magpapatunay sa mga alegasyon laban kina Vice Ganda at Zeinab Harake.
Nakatakdang idaos ng BTS ang kanilang dalawang gabing konsiyerto sa Philippine Arena sa Bulacan sa Marso 13 at 14, 2027.
















