Dumagundong ang entablo ng supergroup na BTS matapos dumugin ng mga “ARMY” kung saan tinatayang 260,000 fans ang dumalo sa kanilang comeback concert sa Gwanghwamun Square sa Seoul, South Korea nitong Sabado, March 21, 2026.
Habang milyon-milyon pa ang nanood sa pamamagitan ng online livestream.
Matatandaang pansamantalang tumigil ang grupo noong 2022 upang tapusin ang kanilang mandatory military service.
Isinagawa ang engrandeng konsiyerto malapit sa makasaysayang Gyeongbokgung Palace, na lalong nagbigay ng simbolikong pagbabalik bilang tinaguriang “Kings of K-pop.”
Itinampok ng BTS ang kanilang bagong album na “ARIRANG,” na agad nakapagtala ng halos apat (4) na milyong kopyang naibenta sa unang araw pa lamang.
Ipinapakita ng album ang mas mature at mas malawak na estilo ng kanilang musika.
Gayunman, nagkaroon ng maliit na aberya matapos ma-injury sa ankle ang lider na si RM sa kanilang rehearsals, kaya’t limitado ang ilan ng kanyang galaw sa entablado.
Ang nasabing konsiyerto ang hudyat ng pagsisimula ng kanilang 82-date world tour, na inaasahang magdadala ng malaking kita at maaaring makipagsabayan sa mga malalaking tour tulad ng kay Taylor Swift.
Samantala, nagpatupad ng mahigpit na seguridad ang mga awtoridad sa lugar, kabilang ang pagsasara ng ilang kalsada at establisimyento. Bagama’t nagdulot ito ng kaunting abala, naging matagumpay naman ang kabuuang pagdaraos ng maksaysayang concert.
Sa kabila ng mahabang pahinga, muling pinatunayan ng BTS ang kanilang malakas na impluwensya pagdating sa musika at kultura.















