Naging mas engrande pa ang 2026 FIFA World Cup Final matapos isagawa sa kauna-unahang pagkakataon ang isang halftime show na tampok ang ilan sa pinakamalalaking pangalan sa mundo ng musika.
Pinangunahan ni Madonna ang halftime show sa kanyang hit song na “Music.” Pumasok siya sa stadium sakay ng isang dune buggy na minaneho ng Brazilian football legends na sina Ronaldo at Ronaldinho.
Sinundan ito ng K-pop group na BTS, na nagtanghal ng kanilang sikat na awiting “Dynamite.”
Kasunod namang umakyat sa entablado si Justin Bieber, na inawit ang acoustic version ng “Everything Hallelujah.” Binago pa niya ang huling linya ng kanta bilang “World Cup Hallelujah.”
Nagtapos ang musical performance sa pagsasama nina Shakira at Burna Boy para sa “Dai Dai,” ang opisyal na kanta ng 2026 FIFA World Cup.
Bago pa man ang laban, naging usap-usapan ang halftime show dahil lumampas ito sa karaniwang 15 minutong halftime break sa football.
Bagama’t umabot lamang sa 11 minuto ang mismong pagtatanghal, tumagal ng halos 27 minuto ang kabuuang halftime dahil sa paglalagay at pag-aalis ng mga kagamitan sa gitna ng field.















