Hindi umano plano ni Vice Ganda na dumalo sa Gabi ng Parangal ng 2025 Metro Manila Film Festival (MMFF), sa kabila ng pagkapanalo niya bilang Best Actor para sa pelikulang ”Call Me Mother.”
Ayon sa actor-comedian bihira siyang dumalo sa MMFF awards ceremonies, karaniwan daw kasing natatapat ang nasabing okasyon sa panahon ng kanilang bakasyon ng kanyang ina tuwing holiday season.
Sa unang araw pa lamang ng shooting ng ”Call Me Mother,” sinabi na raw niya kay direktor Jun Lana na hindi siya pupunta sa awards night. Giit ni Vice, dumalo lamang siya noong nakaraang taon bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng MMFF at bilang suporta sa pelikula at sa direktor nito.
Nagbago lamang ang kanyang desisyon matapos siyang kausapin ng kanyang boss na ayon kay Vice, pinaalalahanan siya na ang pagdalo sa awards night ay hindi dahil sa pag-asang manalo, kundi bilang suporta sa lokal na industriya ng pelikula, sa festival, at sa kanyang mga kapwa artista.
Dahil dito, napilitang umatend si Vice at humingi pa ng tulong sa styling team ng kanyang co-star na si Nadine Lustre para sa kanyang itsura sa nasabing gabi.
Bukod sa Best Actor award ni Vice Ganda, nagwagi rin ang ”Call Me Mother” ng Third Best Picture, Best Child Performer, at Gender Sensitivity Award sa 2025 MMFF Gabi ng Parangal.
















