-- Advertisements --

Nanguna ang pelikulang “Call Me Mother,” na pinagbibidahan nina Vice Ganda at Nadine Lustre, sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2025 batay sa tala ng box office mula sa mga fan-run tracking pages sa social media.

Ayon sa Philippine Box Office unofficial Facebook page, malaki ang lamang ng “Call Me Mother” laban sa iba pang pelikula.

Sinundan ito ng “Shake, Rattle & Roll: Evil Origins,” na pinagbibidahan nina Carla Abellana at Richard Gutierrez, na kumita ng halos isang-katlo ng kita ng “Call Me Mother.”

Pumangatlo ang “UnMarry,” na tampok sina Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo, at pang-apat naman ang “Love You So Bad,” na pinagbibidahan nina Will Ashley, Bianca de Vera, at Dustin Yu.

Ayon sa Google Trends, malapit ang kumpetisyon ng mga pelikula, na may mataas na search interest para sa “Shake, Rattle & Roll: Evil Origins,” na sinundan ng “Call Me Mother,” “UnMarry,” “Bar Boys: After School,” at “Love You So Bad.”

Bagamat maganda ang takbo ng box office, may mga netizens na nagrereklamo tungkol sa mataas na presyo ng tiket, na nagsasabing nakakaapekto ito sa kanilang kagustuhang manood ng mga pelikula sa mga sinehan.

Ang MMFF 2025 ay nagumpisa noong Disyembre 25, 2025, na magtatagal hanggang Enero 7, 2026, sa mga sinehan sa buong bansa.