-- Advertisements --

Ibinahagi nina Anne Curtis, Bianca Gonzalez, at Vice Ganda ang kanilang pagkadismaya sa isyu ng korapsyon kaugnay ng mga flood control project ng gobyerno.

Sa X (dating Twitter), emosyonal si Anne matapos mapanood ang ulat ni Jessica Soho tungkol sa anomalya sa proyekto. Aniya, “’Hindi na pala baha ang magpapalubog sa ating bayan kundi kasakiman.’ Sakit 😞😞.”

Si Bianca naman ay bumatikos sa mga anak ng corrupt officials na nagpapakita ng marangyang pamumuhay sa social media, habang maraming Pilipino ang naghihirap. “My feed filled with posts on the lavish lifestyle of kids of corrupt officials… at tayo, kumakayod araw-araw,” ayon sa kanyang post.

Samantala, si Vice Ganda ay nagbahagi naman ng karanasan sa pagtitipid habang nasa London. “Pangatlong araw na naming iniinit ang natirang adobo… Tapos bigla kong naalala ‘yung milyon-milyon kong tax na pinaghahati-hatian ng mga garapal na magnanakaw… Aray koooo!!!!”

Nag-ugat ang galit ng publiko matapos tanungin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto 11 kung bakit 15 kontratista lamang ang humawak sa 20% ng halos 10,000 flood projects mula 2022. Marami raw sa mga proyektong ito ay walang malinaw na detalye kung ano ang itinayo.

Noong Agosto 19, inamin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na may mga “ghost projects” o proyektong hindi umiiral, at nangakong iimbestigahan ito.

Dahil dito inanunsyo ng Malacañang noong Agosto 27 na iniutos ni Pangulong Marcos Jr. ang pagsasagawa ng lifestyle check sa lahat ng opisyal ng gobyerno, simula sa mga tauhan ng DPWH.

Ayon sa Malacañang, nakatanggap na ang Office of the President ng 9,020 reklamo kaugnay ng mga kuwestiyonableng flood control projects sa pamamagitan ng website na ”sumbongsapangulo.ph.”