Humiling ang defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na isama ang 78 pang item sa kanilang listahan ng ebidensya para sa confirmation of charges hearing sa Pebrero 23, 2026.
Ayon sa lead counsel nitong si Atty. Nicholas Kaufman, ang mga karagdagang ebidensya ay “highly relevant” at mahalaga para sa nalalapit na hearing kay Duterte.
Aniya, hindi naman tutol ang Prosecution sa pagdagdag ng mga item, kaya’t hindi ito magdudulot ng hindi patas na epekto sa kaso.
Nakasaad kasi sa ICC rules na parehong may karapatan ang depensa at prosekusyon na magsuri ng dokumento o ebidensiya bago ang hearing.
“The present request is submitted 15 days before the commencement of the Confirmation of Charges hearing, now set to begin on 23 February 2026,” ani Kaufman. Dagdag pa niya na ang bilang ng karagdagang items ay “modest” at inaasahang batid ng prosekusyon ang relevance ng kanilang sariling evidence.
Binanggit din ng defense na hindi pa nila nagagawan ng full review ang latest disclosure ng prosekusyon noong gabi ng Pebrero 5, na naglalaman ng 12 items na minarkahan bilang “potentially exonerating or relevant to the preparation of the Defence.”
Ayon pa kay Kaufman, “The Defence respectfully reserves the right to seek further amendment of its List of Evidence upon its prompt review of the newly disclosed items.”
Matatandaang naaresto si Duterte noong Marso 11, 2025, pagbalik niya mula Hong Kong, kaugnay ng imbestigasyon ng ICC sa umano’y paglikha ng death squads sa kanyang administrasyon sa “war on drugs.”
Dinala si Duterte sa The Hague, Netherlands, sa parehong araw at lumitaw sa video link sa harap ng ICC judges noong Marso 14.
Ang kanyang hearing ay na-postpone mula sa orihinal na petsang Setyembre 23, 2025.
Nauna nang tinanggihan ng ICC Pre-Trial Chamber ang kahilingan ni Duterte para sa interim release.
















