Nasa heightened alert ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng inaasahang kilos-protesta habang isinasagawa ang pagdinig ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PNP Cheif Jose Melencio Nartatez Jr., inilagay na sa heightened readiness ang lahat ng unit ng pulisya at kasalukuyang mino-monitor ang mga posibleng malaking pagtitipon upang matiyak na kaayusan ang seguridad ng publiko. Aniya, anuman ang panig o grupo, nakabantay ng pulisya para protektahan ang kanilang mga Karapatan at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan.
Kaugnay nito, inatasan din ng PNP chief ang mga regional unit na magtalaga ng Civil Disturbance Management (CDM) teams at tiyaking naka-standby ang mga medical emergency responder sakaling magkaroon ng malaking pagtitipon.
Bagama’t iginiit ang paggalang sa Karapatan ng mga mamamayan na magpahayag ng kanilang saloobin, sinabi ni Nartatez na prayoridad pa rin ng PNP ang kaligtasan ng publiko. Ayon sakaniya, maximum tolerance ang paiiralin, ngunit inatasan umano lahat ng kapulisan na manatiling propesyonal at umiwas sa anumang komprontasyon at sundin ang batas.
Samantala, nanawagan naman ang PNP Chief sa mga kritiko at tagasuporta ni Duterte na manataling mahinahon at huwag hayaang manaig ang emosyon na maaring mag bunga ng karahasan o paglabag sa batas.
Sa Lunes, Pebrero 23, sisimulan ng ICC sa The Hague ang apat na araw na pre-trial “confirmation of charges” hearing laban kay Duterte kaugnay ng umano’y crimes against humanity na may kaugnayan sa kanyang kampanya kontra droga. Sa naturang pagdinig pagpapasyahan kung sapat ang ebidensya upang ituloy ang paglilitis.
















