-- Advertisements --

Muling namataan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ilang barko ng China sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa isinagawang maritime domain awareness flight nitong Martes ng umaga, Oktubre 28.

Ayon sa ulat ng PCG, habang nagsasagawa sila ng regular monitoring operation sa West Philippine Sea, kanilang nakita ang China Coast Guard vessel 3316 na nasa humigit-kumulang 59 nautical miles kanluran ng Iba, Zambales, na bahagi pa rin ng karagatang sakop ng Pilipinas.

Bukod dito, namataan din ang isang barking pandigma ng People’s Liberation Army Navy (PLA-N) na may bow number 575, kasama ang isa pang hindi pa nakikilalang barkong pandigma ng China.

Inihayag ni PCG spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela na nananatiling pareho ang antas ng presensya ng mga barko ng China sa lugar kumpara sa mga nakaraang buwan.

Paliwanag ng opisyal na tumataas lang talaga ang bilang ng mga barko ng China Coast Guard at PLA Navy kapag marami ring mangingisdang Pilipino sa lugar na suportado ng BFAR at ng PCG.

Dagdag pa ni Comm. Tarriela, patuloy ang regular na pagmamanman at pagpapatrolya ng PCG bilang bahagi ng mandato nitong protektahan ang soberanya ng bansa at tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipinong mangingisda na umaasa sa yamang-dagat ng West Philippine Sea para sa kanilang kabuhayan.