-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang isang panukalang batas na magbibigay ng libreng financial literacy education sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang pamilya upang maprotektahan ang kanilang kita at mapalakas ang seguridad sa ekonomiya.

Ayon kay Sen. Raffy Tulfo, chair ng Senate Committee on Migrant Workers at may-akda ng Senate Bill No. 1910 o ang “Free Financial Literacy Education for Overseas Filipino Workers and their Families” Act, ang panukala ay naglalayong matulungan ang mga OFW na pamahalaan, palaguin, at pangalagaan ang kanilang pinaghirapang pera.

Ayon sa panukala, obligado ang lahat ng OFWs na dumalo sa komprehensibong financial literacy seminars na bahagi ng Pre-Departure Orientation Seminars (PDOS), Post-Arrival Training Seminars (PATS), Pre-Migration Orientation Seminars (PMOS), at mga learning session para sa pamilya.

Saklaw ng pagsasanay ang pamamahala ng pera, pamumuhunan, consumer protection, at entrepreneurship, at libre sa mga OFWs.

Magkakaroon din ng online access ang mga OFWs at kanilang pamilya sa mga financial advisor at certified counselors kahit saan man sila naroroon.

Inaasahang makakatulong ang panukalang batas sa pagpapatatag ng financial security at pangmatagalang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa at kanilang pamilya.