Nagbabala si Defense Secretary Gilberto Teodoro na maaaring arestuhin ang mga magpo-protesta na mananawagan para sa military-backed “reset” ng gobyerno sa isasagawang malawakang rally kontra korapsiyon sa linggo, Nobiyembre 30.
Ito ang naging tugon ng kalihim nang matanong kaugnay sa maaaring ihaing kaso laban sa mga indibidwal na mananawagan para sa government reset para bumaba sa pwesto sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.
Ayon sa kalihim ang ganitong panawagan ay ganap na iligal at maaaring ikonsidera bilang inciting to sedition.
Paliwanag pa ng Defense chief na ang pagsasabi ng pagbawi ng suporta sa pamahalaan ay isang ‘indirect” na paraan ng pagsasabi ng “I’ll take over”, na aniya’y iligal.
Sa huli, sinabi ng kalihim na nakadepende na ito sa kapulisan.
Samantala, nanindigan naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang military junta sa kanilang hanay at hindi ito masasangkot sa ganitong aktibidad.
















