-- Advertisements --

Dating miyembro ng House Prosecution panel, tiniyak na papakinggan ang merito ng impeachment vs PBBM

Naniniwala si Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith T. Flores na mayroon pang sapat na araw para sa sinumang nagnanais na maghain ng mas mabigat na impeachment complaint laban kay Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Reaction ito ng mambabatas sa puna ng ilan na mahina ang reklamong inendorso kahapon (Jan. 19) ni Pusong Pinoy Party-list Rep. Jett Nisay.

Kasagutan din ito ng mambabatas sa puna ni Davao City Rep. Paolo Duterte na ang paghahain ng mahinang complaint laban kay PBBM ay bahagi ng gameplan ng kasalukuyang administrasyon upang hindi na siya masampahan ng mas mabigat na reklamo sa loob ng isang taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Flores na bahagi ng loophole o butas sa impeachment proceedings dito sa Pilipinas ay ang negatibong epekto ng 1-year ban rule.

Kapag naihain na kasi aniya ang isang complaint at tuluyang na-endorso ito sa House Committee on Justice ay maghihintay na muli ng isang taon bago muling papayagan ang panibagong reklamo – bagay na nagiging balakid aniya kung may mas mabibigat na reklamong dapat pang ihain sa mga impeachable official ng bansa.

Gayonpaman, nilinaw ng Bukidnon lawmaker na maaari pang ihabol ng kahit sinong mambabatas ang mas mabigat na reklamo, kung hindi man sila kuntento sa grounds na nakapaloob sa naunang complaint.

Mayroon pa aniyang sapat na panahon upang ihabol ang panibagong complaint, bago tuluyang mairefer ang unang reklamo sa Justice Committee ng Kamara.

Naniniwala ang mambabatas na sa kabila ng mga naunang pagpuna sa pinakaunang impeachment complaint vs PBBM, ay tiyak na pag-uukulan pa rin ito ng Kamara ng sapat na panahon upang matukoy ang merito ng naturang reklamo.

Sa ngayon aniya, masyadong maaga pa upang agad i-dismiss ang naturang reklamo kung ibabbatay lamang sa nilalaman ng complaint at hindi man lang sinuri ang mga iprepresentang ebidensiya.