-- Advertisements --

Nagsampa na ng kaso ang actor na si Arron Villaflor laban sa taong nagpakalat umano ng kanyang “private video” na kamakailang pinagpiyestahan online na ayon sa kanya ay “unauthorized recording” at “illegal distribution.”

“I am formally addressing the unauthorized recording and illegal distribution of private video materials that have been circulating online in recent days,” ayon sa official statement nito.

Dagdag pa niya, ang hindi awtorisadong pagre-record at pamamahagi ng mga pribado at intimate na nilalaman nito ay malinaw na paglabag sa Republic Act No. 9995 at iba pang batas na nagpoprotekta sa mga indibidwal laban sa digital abuse at paglabag sa privacy.

Binigyang-diin din ng aktor ang kanyang pagtutol sa paggamit ng naturang mga video upang sirain ang dignidad ng isang tao. “As both a citizen and a public servant, I strongly condemn the weaponization of private content and all forms of digital violence. No person deserves to have their dignity violated in this way,” dagdag niya.

“Out of respect for the legal process, I will refrain from making further comments while the investigation is ongoing,” wika pa ng aktor.

Nilinaw din niya ang kanyang naunang pahayag noong Pebrero 27, na tumutukoy lamang sa lumang film clips mula sa mga nakaraang proyekto.

Ngunit ayon sa kanya, ang kamakailang coordinated release ng umano’y pribadong footage ay isang seryosong kriminal na usapin.

Sa kanyang interview bago ang press conference para sa action-drama nito, sinabi ni Arron na wala siyang kinalaman sa anumang explicit video scandals. “Sabi, ‘Arron, meron ka daw scandal.’ Sabi ko, pakita niyo sa akin. Lahat ng pinapakita nila came from VMX projects,” paliwanag niya.

Si Arron ang pinakabagong aktor na naglabas ng opisyal na pahayag tungkol sa viral explicit videos, kasunod nina Nikko Natividad at Gil Cuerva, na nagbigay rin ng pahayag laban sa mga lumalabas na video na umano’y nagpapakita sa kanila sa intimate scene.

Ayon kay Gil, ang video na kumakalat online ay kuha nang walang pahintulot, at ang pamamahagi daw nito ay isang seryosong paglabag sa kanyang privacy.

“The video being shared online was recorded without my knowledge or consent during a private moment. The use of a hidden camera and the distribution of that recording are serious violations of my privacy and constitute a crime,” ayon sa kanyang official statement.