-- Advertisements --

Iginiit ng aktor at board member ng ikalawang distrito ng Tarlac na si Arron Villaflor, na bahagi lamang ng umano’y “smear campaign” laban sa kanya ang isyu ng kumakalat na video scandal.

Sa isang panayam, sinabi ni Aaron na ang mga larawang ipinapakita laban sa kanya ay mula lamang sa kanyang mga proyekto sa isang production company.

“Lahat nang ipinapakita nila ay from my Vivamax projects. Napakadami pong smear campaign. It’s part of the political industry, so depende sa iyo on how you’re gonna react,” ani Aaron sa isang pahayag.

Ayon pa sa actor-politician, nakatulong pa umano sa kanya ang naturang isyu. Aniya, hindi na niya kontrolado ang opinyon ng iba at naniniwala siyang sarili lamang ang makakatulong sa kanya.

Lumabas ang alegasyon hinggil sa video scandal noong siya ay kumandidato bilang board member ng ikalawang distrito ng Tarlac noong Mayo 2025. Gayunman, mariin niyang itinanggi ang mga paratang at hinamon pa ang mga nag-uugnay sa kanya sa naturang video.

Samantala, nadawit din sa usapin sina ang aktor na sina Nikko Natividad, Gil Cuerva, at Ron Angeles matapos maiugnay sa kanila ang ilang umano’y intimate videos na kumalat sa social media.

Habang nananatiling tahimik si Nikko hinggil sa isyu, ibinahagi niya sa kanyang social media account ang isang entry para sa “Galawgaw” dance challenge.

Umani ito ng mga komento mula sa netizens na tila tumutukoy sa nasabing video, ngunit hindi siya agad tumugon sa mga ito.

Si Ron naman ay nag-post ng isang cryptic message kasunod ng pagkakadawit ng kanyang pangalan sa isyu.

“Relax lang kayo dyan,” caption niya sa isang larawang kuha habang naliligo sa pool.

Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa mga nabanggit na personalidad hinggil sa kumakalat na mga video.