-- Advertisements --

Naglabas ng ‘warrant of arrest’ ang korte sa Batangas laban sa puganteng si Charlie ‘Atong’ Ang kaugnay sa kasong kinakaharap may kinalaman sa pagkawala ng mga sabungero.

Kinumpirma mismo ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na inisyuhan ng Lipa City, Batangas Regional Trial Court ng ‘arrest warrant’ si Ang pati 20-pang kapwa akusado.

Patungkol ang inisyung kautusan sa kinakaharap na kasong ‘6 counts of kidnapping with homicide’ na walang piyansa itinalaga.

Kung kaya’t inatasan na ng korte ang mga awtoridad na isilbi ang ‘arrast warrant’ at tuluyang arestuhin si Atong Ang upang dalhin ang kustodiya sa husgado.

Ipinag-utos din ng naturang korte sa mga ‘arresting officer’ ang pagsusuot ng body worn camera at isang alternatibong recording device sa implementasyon ng warrant.

Bukod pa rito’y nauna ng naglabas ng ‘arrest warrant’ ang Sta. Cruz, Laguna Regional Trial Court Branch 26 sa hiwalay na kasong isinampa laban kay Atong Ang.

Ayon sa Department of Justice ito ay ang 16 counts of kidnapping with serious illegal detention at 10 counts of Kidnapping with Homicide kaugnay sa missing sabungeros.