Hindi maganda para sa imahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr at sa ekonomiya ng bansa ang paghahain ng impeachment complaint laban sa punong ehekutibo.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Castro may kaakibat kasi itong negatibong epekto partikular sa pananaw ng mga ekonomista at maging sa kalagayan ng ekonomiya ng bansa dahil maaaring magbigay ito ng negatibong impresyon lalo na sa performance ng pamumuno ng Pangulo.
Binigyang-diin ni Castro, anuman ang pinanggalingan ng impeachment complaint, sino ang naghain hindi ito kailanman maging mabuti para sa Pangulo o sa interes ng bansa.
Iginiit din ng Malacañang na hindi bentahe para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paghahain ng impeachment complaint kahit pa ito ang unang reklamong magti-trigger ng one-year bar rule sa ilalim ng Konstitusyon.
Tugon ito ni Castro kaugnay ng pahayag ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores na kapag ang unang impeachment complaint laban sa Pangulo ay opisyal nang nai-refer at “initiated” sa House Committee on Justice, hindi na maaaring tumanggap ng panibagong reklamo sa loob ng isang taon.
















