-- Advertisements --

Binatikos ng Kilusang Bagong Pilipinas para kay BBM ang umano’y pagkapit-tuko ni Health Secretary Ted Herbosa sa mga makapangyarihang pangalan, kabilang diumano ang negosyanteng si  Enrique Razon, sa gitna ng lumalalang kontrobersiya sa Department of Health (DOH).

Ayon sa inilathalang open manifesto ng grupo, kahit pa umano’y may “backer,” hindi nito mabubura ang sunod-sunod na alegasyon ng katiwalian at abuso sa kapangyarihan na kinakaharap ni Herbosa. 

Anila’y malinaw nang pasanin sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kalihim.

“Hindi dapat ipangtanggol ng sinumang may impluwensya ang isang Kalihim na humihila pababa sa Pangulo,” giit ng grupo.

Inilahad ng grupo ang mga reklamo laban kay Herbosa, kabilang ang umano’y ₱98 milyong pondo ng DOH na ginamit sa self-promotion, ₱44.6 milyong psychiatric drugs na ipinamigay sa hindi lisensiyadong organisasyon, at ₱1.29 bilyong pondong hindi pa malinaw ang liquidation.

Kasama rin sa binatikos ang panghihimasok sa procurement, walang basehang reshuffle ng mga DOH personnel, at ang ₱1.8 bilyong mobile clinic deal na patuloy umanong kinukuwestiyon. 

Binigyang-diin ng grupo na ang DOH ay hindi eksperimento at hindi pwedeng isugal ang kalusugan ng Pilipino dahil lang may backer ang isang opisyal.

o