-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagbibigay ng mahigpit na seguridad para sa Malampaya East-1 kasunod ng pagkakadiskubre ng natural gas sa West Philippine Sea.

Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, magpapadala ang Coast Guard ng kanilang assets kabilang ang 97 meter at 44 meter vessels gayundin ang aircraft para protektahan ang bagong tuklas na lugar kung saan mayroong mataas na deposito ng naturang gas katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Energy (DOE) at Philippine National Oil Company.

Aniya, magiging mas proaktibo ang PCG at ire-realign ang kanilang mga barko para tutukan ang pagbabantay sa Malampaya, alinsunod sa direktiba ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na ito ang kanilang topmost priority.

Giit din ni Tarriela na sa kabila ng mga agresibong aksiyon ng Chinese vessels sa lugar ay kanilang pro-protektahan ang bagong tuklas na natural gas.

Nitong Lunes nang ianunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang makasaysayang pagkakadiskubre ng natural gas sa Malampaya East-1, na maaaring makapagpataas pa ng domestic gas supply ng bansa.