Tiniyak ni House Justice Committee Chair Rep. Gerville Luistro na mahigpit na susundin ng komite ang tamang proseso sa paghawak ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa pagbubukas ng deliberasyon, binigyang-diin ni Luistro na ang Konstitusyon ang magiging pangunahing gabay ng komite at lahat ng hakbang ay isasagawa nang may integridad at pag-iingat.
Aniya, hindi pa napatutunayan ng Korte Suprema ang mga alegasyon laban sa Pangalawang Pangulo, kaya’t mahalagang dumaan sa masusing pagsusuri ang mga reklamo.
Dagdag pa ng mambabatas, hindi dapat gawing paramihan ng shares at likes sa social media ang usapin, kundi seryosong pagtalakay batay sa ebidensya at alituntunin ng batas.
Sa ganitong pahayag, pinawi ni Luistro ang pangamba ng ilang miyembro ng komite hinggil sa posibleng pagkiling sa proseso, at iginiit na ang impeachment proceedings ay isasagawa nang patas at naaayon sa itinakdang mga panuntunan.
















