-- Advertisements --

Isinapubliko na ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) ang opisyal na administrative map ng Pilipinas na malinaw na nagpapakita ng West Philippine Sea (WPS).

Ayon sa pahayag ng NAMRIA, ang mga opisyal na mapa at nautical charts ng bansa ay mahalaga sa paggiit at pangangalaga ng maritime jurisdiction ng Pilipinas sa WPS.

Simula pa noong 2012, sa ilalim ng Aquino administration, pormal nang ginagamit ng pamahalaan ang katawagang “West Philippine Sea” sa mga publikasyon, at ito ay tuloy-tuloy na inilalagay sa lahat ng opisyal na mapa at charts.

Ipinaliwanag ng ahensya na ang mga materyales na ito ay ginagamit ng mga mariners, planners, researchers, at iba’t ibang institusyon sa loob at labas ng bansa para sa navigation, geographic information, at safety at sea.

Kasabay nito, binanggit ng NAMRIA na ang exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ay umaabot hanggang 200 nautical miles mula sa archipelagic baselines, alinsunod sa Republic Act 9522. Ang mga datos ay nakabatay sa precise geospatial data na tumutulong sa tamang pagtukoy ng maritime limits.

Nilinaw din ng ahensya na ang kanilang mga nautical charts ay sumusunod sa international hydrographic standards at isinusumite sa mga international technical bodies gaya ng International Hydrographic Organization, upang maisama ang datos ng Pilipinas sa global maritime record.

Giit ng NAMRIA, ang kanilang mandato ay magbigay ng accurate at reliable geospatial information para sa bansa, na mahalaga sa maritime safety, environmental management, disaster preparedness, at dokumentasyon ng national territory.

Dagdag pa ng NAMRIA, patuloy nilang ipagtatanggol ang mandato na ito bilang suporta sa national sovereignty at sa tamang pamamahala ng mga yaman ng bansa.