Naniniwala si Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith T. Flores na hindi gaanong mabibigat ang mga rason na pinagbasehan sa unang impeachment complaint laban kay Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng mambabatas na bagaman hindi pa niya nababasa ang buong nilalaman ng opisyal na kopya ng naturang reklamo, mistula aniyang walang mabigat na basehan ang complaint at hindi sapat ang mga iprinisentang rason para makakuha ng maraming suporta mula sa mga mambabatas.
Inihalimbawa ng mambabatas ang tuluyang pag-aresto kay dating Pang. Rodrigo Duterte at pagbibiyahe sa kaniya patungong Netherlands na isa sa mga ginamit na grounds sa naturang complaint.
Maaari lamang aniyang idahilan ng pangulo na sumunod at tumulong lamang ang Pilipinas sa pagsisilbi sa arrest order laban kay dating Pang. Rodrigo, sa kahilingan na rin ng International Criminal Police Organization na isa rin sa mga dating tumutulong sa Pilipinas para maaresto ang mga puganteng Pilipino na nasa ibang bansa.
Ikalawa ay ang hindi pag-veto ni Pang. Marcos sa ilang kontrobersyal na unprogrammed funds na isa rin sa mga tinukoy na dahilan ng complaint.
Ayon kay Rep. Flores, karapatan ng pangulo na i-veto ang mga proyekto na nais niyang tanggihan, salig sa kaniyang kapangyarihan bilang chief executive ng bansa.
Maliban dito, hindi aniya mali ang hindi pag-veto ni Pang. Marcos sa mga naturang proyekto at sa halip, ang mali ay ang mismong paggamit ng pondo sa ilalim ng implementing agencies.
Sa kasalukuyan, hinihintay pa ng mga kongresista ang tuluyang pag-transmit ng Office of House Secretary General sa kopya ng complaint patungo sa office of the House Speaker para sa susunod na hakbang ng Kamara.
Tiniyak ni Flores na maglalaan din ang mga mambabatas ng sapat at akmang oras para marinig ang merito ng naturang reklamo.
















