Ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Sabado ang mga kasalukuyang proyekto ng gobyerno at pribadong sektor sa pag-upgrade ng mga paliparan matapos ang pagpapasinayan sa pinakabagong eroplano ng Philippine Airlines (PAL), ang Airbus A350-1000.
Ayon kay Marcos Jr., ilang provincial airports ang kasalukuyang isinasailalim sa construction at modernization projects. Kabilang dito ang modular passenger terminal building (PTB) sa Siargao Airport sa Surigao del Norte, at bagong international PTB sa Davao International Airport.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag kasabay ng 85th anniversary ng Philippine Airlines sa sa Villamor Air.
Patuloy rin aniya ang public-private partnership upgrades sa Laguindingan Airport sa Misamis Oriental, Bohol-Panglao Airport, at Caticlan Airport sa Aklan.
Kasama rin sa modernization ang Manila International Airport, kung saan inilunsad noong Disyembre 2025 ang mga bagong pasilidad at immigration e-gates para mapabilis ang serbisyo.
Pinagtibay ng Pangulo ang pangako ng kanyang administrasyon sa pagpapalakas ng connectivity, modernizing airports, at pagpapaunlad ng ekonomiya, at hinikayat ang mga pribadong katuwang na patuloy na suportahan ang aviation-centered initiatives.
Pinuri rin ni Marcos ang Philippine Airlines sa kanilang kontribusyon sa industriya ng aviation sa bansa. Binanggit niya na ang A350-1000 ang una sa ganitong uri sa Southeast Asia at pang-10 lamang sa buong mundo, at na ang paglulunsad nito ay magbubukas ng bagong oportunidad para sa long-haul travel.
















