Umakyat na sa 22 katao ang bilang ng nasawi sa pagguho ng Binaliw landfill sa Cebu City.
Ayon sa ulat ng mga otoridad, natagpuan ang bangkay ng isang babae at isang lalaki nitong umaga ng Enero 15, alas-6:30 ng umaga at alas-6:51 ng umaga.
Bukod sa mga nasawi, 18 katao ang sugatan at kasalukuyang ginagamot sa iba’t ibang ospital sa Cebu. Samantala, 14 pa ang nananatiling nawawala at patuloy na hinahanap ng mga rescuer.
Nagsasagawa ng search and retrieval operations ang Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office (CCDRRMO) katuwang ang Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, at mga volunteer groups.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), nakahanda silang magbigay ng tulong at magpatupad ng mga hakbang upang matulungan ang mga naapektuhan ng insidente. Dagdag pa ng ahensya, sisiyasatin nila ang kalagayan ng landfill upang matiyak na hindi na mauulit ang ganitong trahedya.
Samantala, nagbigay ng tulong ang operator ng landfill sa mga pamilya ng mga biktima at sa mga rescuer na patuloy na nagsasagawa ng operasyon.
Inaasahan ding madaragdagan ang basura sa Cebu sa mga susunod na araw lalo’t papalapit na ang Sinulog Festival, kaya’t nanawagan ang lokal na pamahalaan ng karagdagang suporta mula sa pambansang ahensya.














