Stranded ang mahigit 4,000 pasahero at driver ng sasakyang pandagat matapos pansamantalang suspendihin ang ilang biyahe sa dagat bunsod ng masamang lagay ng panahon dahil sa bagyong Basyang.
Base sa Maritime Safety Advisory ng Philippine Coast Guard (PCG) hanggang kaninang alas-12:00 ng tanghali, na-monitor din ang 106 barko na stranded, isang motorbanca at 1,546 rolling cargoes.
Pansamantalang nakisilong din ang 130 barko at 23 motorbanca hanggang sa bumuti ang sitwasyon sa dagat.
Naitala ang mga stranded na pasahero sa Northeastern Mindanao, Southwestern Mindano, Bicol, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Central Visayas, Southern Visayas, Western Visayas at Palawan.
Bilang tugon, naghatid ang PCG ng libreng sakay partikular na sa Mindanao ngayong Huwebes, kung saan ilang lugar ang nakataas sa Signal No. 2.
Ayon sa ahensiya, humigit-kumulang 100 pasahero ang ligtas na inihatid lulan ng BRP Capones mula sa Bangungui, Sulu patungong Zamboanga City.
Ang pagbibigay ng libreng sakay sa mga apektadong pasahero ay alinsunod sa direktiba ni Transportation Acting Secretary Giovanni Lopez sa PCG na serbisyuhan ang mga mananakay na nangangailangan ng transportasyon patungo sa kanilang destinasyon.
















