Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na nasugatan ang tatlong mangingisdang Pilipino at napinsala ang dalawang Filipino fishing boast sa water cannon attack ng mga barko ng China Coast Guard (CCG) sa may bisinidad ng Escoda Shoal kahapon, Disyembre 12.
Sa isang post (X), iniulat ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na nakatanggap ang PCG ng ulat na tinatayang nasa 20 mangingisdang Pilipino na lehitimong nag-ooperate sa lugar ang binombahan ng water cannon at hinarang ng CCG vessels 21559 at 21562 kasama ang ilan pang Chinese maritime militia vessels.
Sinadya din ng CCG Rigid Hull inflatable boats na putulin ang anchor lines ng ilang Filipino fishing boats na naglagay sa panganib sa naturang fishing boats at mga sakay nitong mangingisdang Pilipino sa gitna ng malalakas na currents at matataas na alon.
Nang respondehan ng mga barko ng PCG ang mga apektadong mangingisda, hinarang sila ng mga barko ng CCG na nagsagawa rin ng mapanganib na maniobra.
Sa kabila ng iligal na panghihimasok ng Chinese vessels, matagumpay na narating ng PCG ang mga mangingisda nitong umaga ng Sabado at nalapatan ng agarang medical attention ang mga nasugatang mangingisda.
Sa kasalukuyan, malapit na binabantayan ng BRP Malapascua at BRP Cape Engaño sa pakikipagtulungan sa MV Pamalakaya, ang grupo ng mga Pilipinong mangingisda sa lugar para tiyakin ang kanilang seguridad at kaligtasan at binigyan din ng mga suplay gaya ng langis, yelo at pagkain bilang bahagi ng Kadiwa para sa Bagong Bayaning Mangingisda (KBBM) initiative.
Sinabi naman ni Comm. Tarriela na ang pahayag ng CCG na nagkukumpirma ng pagpapatupad nito ng kaukulang control measures laban sa mangingisdang Pilipino ay kapareho ng pag-amin ng mga aksiyon na naglagay sa panganib sa buhay at kabuhayan ng mga ordinaryong Pilipino na nagsasagawa lamang ng lehitimong aktibidad sa exclusive economic zone ng Pilipinas.
Kaugnay nito, nanawagan ang PCG sa CCG na sumunod sa “standard of conduct” na kinikilala ng internasyunal at iprayoridad ang pagpreserba sa buhay sa dagat sa halip na pagmamalabis ng law enforcement na naglalagay sa buhay ng mga inosenteng mangingisda sa panganib.
















