-- Advertisements --

Kinumpirma ng National Security Council (NSC) na may tatlong dating opisyal ng gobyerno ang nakapagpasa ng ilang sensitibong impormasyon sa China.

Ayon kay NSC Spokesperson Cornelio Valencia Jr., natunton ng konseho ang umano’y pagpapadala ng mga datos sa Chinese government sa pamamagitan ng LinkedIn at iba pang messaging apps.

Ipinaliwanag ni Valencia na nagkaroon ng access ang tatlong Pilipino sa mga naturang impormasyon sa iba’t ibang paraan.

Isa sa kanila ay dating assistant sa Department of National Defense, ang ikalawa ay dating researcher ng Philippine Navy, at ang ikatlo ay may koneksyon sa isang opisyal ng Philippine Coast Guard na may access din sa ilang sensitibong datos.

Kabilang sa mga nailabas na impormasyon ang ilang detalye hinggil sa military engagement at personnel, kabilang ang rotation at resupply mission sa Ayungin Shoal at sa BRP Sierra Madre, na nagsisilbing outpost ng Armed Forces of the Philippines sa West Philippine Sea.

Tiniyak ni Valencia na mahigpit na mino-monitor ng NSC ang isyu ng pang-eespiya sa bansa, lalo na ang paggamit ng ibang bansa sa mga Pilipino bilang ahente.

Dagdag pa niya, patuloy ang koordinasyon ng NSC sa iba pang ahensya ng gobyerno upang mapigilan ang anumang banta sa pambansang seguridad.

Ang insidenteng ito ay nagdaragdag sa lumalaking pangamba hinggil sa espionage activities sa rehiyon, kasabay ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea.