-- Advertisements --

Maaaring umabot ng hanggang ₱114 kada litro ang diesel ngayong linggo matapos ang malaking pagtaas ng presyo ng langis.

Ito ay kahit pa nagkasundo ang ilang oil companies na hati-hatiin ang malaking pagtaas ng presyo ng langis sa loob ng ilang araw,

Ayon kay Department of Energy (DOE) Sharon Garin, nagkasundo ang 3 malalaking kompaniya ng langis na ipatupad ang dagdag-presyo sa loob ng tatlong araw mula Marso 17 hanggang 19, habang dalawang araw naman itong ipatutupad ng dalawa pang oil companies mula Marso 17 hanggang 18 upang mabawasan ang biglaang epekto sa mga motorista.

Ayon sa Energy Department, kapag naipatupad na ang lahat ng dagdag-presyo, tinatayang aabot sa ₱94 hanggang ₱114 kada litro ang diesel sa Metro Manila.

Sinabi rin ng DOE na pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibilidad ng government-to-government transactions sa mga bansang tulad ng China at Russia upang makabili ng krudo o finished petroleum products.

Gayunman, tiniyak ng ahensya na sapat pa ang suplay ng langis sa bansa hanggang katapusan ng Abril, bagama’t maaaring mas mahal ang susunod na suplay para sa buwan ng Mayo.

Ang diesel nga ay mahalaga sa transportasyon sa Pilipinas dahil ito ang pangunahing ginagamit na fuel ng karamihan sa pampublikong sasakyan gayundin sa trucking at cargo delivery. Kapag nagmahal ito, ramdam agad ang epekto sa pamasahe, presyo ng bilihin, at kabuuang ekonomiya ng bansa.