-- Advertisements --

Hinimok ng National Bureau of Investigation (NBI) ang negosyanteng si Atong Ang na sumuko na sa mga awtoridad sa gitna ng pinaigting pa na pagtugis sa kaniya sa loob at labas ng Metro Manila.

Ito ay kasunod ng inisyung arrest warrant laban sa kaniya ng Sta. Cruz Laguna Regional Trial Court (RTC) kaugnay ng 15 bilang ng kidnapping at serious illegal detention at apat na bilang ng kidnapping with homicide hinggil sa pagkawala at pagkamatay ng mga sabungero.

Sa ngayon, ayon kay NBI Acting Director Angelito Magno, wala pang surrender feelers mula kay Ang subalit sakaling sumuko aniya si Ang mas mainam upang mabilis na gugulong ang kaso.

Sinusugan din ito nina Deputy Director for Operations Atty. Jose Justo Yap at sinabing tila nagtatago na si Ang at walang plano na sumuko.

Sa kabila nito, hinimok pa rin ng NBI official si Ang na sumuko na para mabigyan din ng pagkakataong mapatunayang inosente siya, gaya ng claim ng kaniyang abogado.

Ayon pa kay Atty. Yap, tinap o hiningi ang tulong ng mga team hindi lamang sa Manila kundi maging sa regional offices para isilbi ang arrest warrant kay Ang. Aniya, inatasan na ang mga ito na paigtingin pa ang kanilang pagkalap ng impormasyon sa kinaroroonan ni Ang at agad na isilbi ang arrest warrant.

Sa kabila naman ng hamon sa pag-aresto kay Ang dahil na rin sa lawak ng kaniyang resources, tiniyak ng NBI official na hindi sila titigil katuwang ang iba pang law enforcement units hanggang sa maaresto si Ang.

Sa ngayon, hindi isinasapubliko ng NBI ang mga lokasyon kung saan isinasagawa ang manhunt operation upang maiwasang makompromiso ang kanilang operasyon subalit ilan sa mga ito ay ang mga address kung saan huling namataan ang negosyanteng si Ang.