Naniniwala si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarreila na hindi niya kailangang humingi ng tawad sa Chinese Embassy kasunod ng inihaing diplomatic protest laban sa kaniya dahil sa umano’y pag-atake at pagdungis sa dignidad ng Chinese leaders.
Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, Enero 17, nanindigan si Comm. Tarriela sa kaniyang posisyon laban sa agresyon ng China sa pinagaagawang karagatan.
Aniya, walang awtoridad ang Chinese Embassy para humingi ng paliwanag sa panig ng Pilipinas sa kaniyang mga naging pahayag bilang tagapagsalita para sa WPS.
Kaugnay naman sa inihaing diplomatic protest ng China laban sa kaniya, tugon ni Comm. Tarriela na ito ay isang DFA concern at hindi saklaw ng kaniyang mandato ang diplomatic relations.
Nauna na ngang tinutulan ng PCG official ang akusasyon ng Chinese Embassy laban sa kaniya at iginiit na ang kaniyang mga ibinabahaging post online kaugnay sa mga nangyayari sa WPS ay hindi paninirang-puri kundi nakabase sa mga ebidensiya tulad ng kuhang mga video, larawan, official reports ng PCG at obserbasyon ng third-party organizations.
Giniit din ni Tarriela na ang kaniyang papel bilang tagapagsalita para sa WPS ay para maiparating ang mga tunay na nangyayari sa naturang karagatan sa mamamayang Pilipino at sa buong mundo alinsunod sa commitment ng pamahalaan sa rules-based order at international law.
















