Nakunan ng video ng Western Naval Command ang pagdaan at bakas ng usok mula sa hinihinalang Long March 12 rocket ng China na dumaan sa himpapawid ng Palawan hapon ng Lunes, Enero 19.
Naitala ang insidente ilang minuto matapos ilunsad ang rocket mula sa Wenchang, China.
Nauna naman nang nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) na inaasahang babagsak ang rocket debris sa dalawang drop zone sa loob ng archipelagic waters ng Pilipinas na nasa humigit-kumulang 22 nautical miles mula sa Puerto Princesa at 14 nautical miles mula sa Tubbataha Reefs Natural Park.
Hanggang nitong hapon ng Martes, Enero 20, wala namang naiulat na nasugatan, napinsalang ari-arian, o debris na bumagsak sa kalupaan.
Sa kabila nito, patuloy na nakamonitor ang Western Naval Command katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Muling nagbabala naman ang PhilSA na delikado ang rocket debris sa mga sasakyang-dagat dahil sa posibleng nilalaman nitong nakalalasong kemikal. Pinapayuhan ang publiko na huwag itong lapitan at agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad kung may mamataang kahina-hinalang bagay sa dagat o baybayin.
















