-- Advertisements --

Kinilala ng Akbayan party-list at Atin Ito coalition ang tinaguriang “Kalayaan 16,” grupo ng mga lokal na opisyal mula sa Kalayaan, Palawan na pinagbawalan ng China na makabiyahe sa kanilang bansa.

Ang travel ban ay ipinatupad matapos ideklara ng konseho ng Kalayaan bilang persona non grata ang mga nakaraang at kasalukuyang embahador ng Beijing sa Maynila.

Ayon sa Chinese Embassy, ang hakbang ay tugon sa resolusyon ng Kalayaan Municipal Council na nagbabawal sa Chinese envoy na makapasok sa kanilang nasasakupan.

Nitong Martes ng umaga, ginawaran ng Akbayan at Atin Ito ang mga opisyal ng West Philippine Sea Heroes Award bilang pagkilala sa kanilang matapang na paninindigan.

Binanggit ng mga lider ng Akbayan na ang “Kalayaan 16” ay simbolo ng tapang at pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Nabatid na mahigit 300 residente sa Pag-asa Island ang patuloy na naninirahan at nagpapatibay ng presensya ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo.

Sa kabila ng travel ban, nananatiling determinado ang mga lokal na opisyal na ipaglaban ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.

Para kay Kalayaan Vice Mayor Maurice Phillip Alexis Albayda, ngayon ay mas ramdam nilang masarap maging Pilipino at ipaglaban ang anumang tunay na pag-aari ng ating bansa laban sa mga dayuhan.