-- Advertisements --

Susuriin muna ng House Committee on Justice ang porma at nilalaman ng dalawang reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte bago ito tuluyang aksyunan.

Ito ang kinumpirma ni House Deputy Majority Leader Gil “Kabarangay Jr.” Acosta.

Ayon kay Acosta, kailangang dumaan sa masusing evaluation ang mga reklamo, kabilang ang affidavit ng dating aide na si Ramil Madriaga na ginamit na basehan sa kaso.

Sa isang media forum, ipinahayag naman ni Atty. Raymund Palad, abogado ni Madriaga, na handang humarap ang kanyang kliyente sa Kamara, Senado, o Ombudsman sakaling ipatawag ito sa pamamagitan ng subpoena.

Binigyang-diin ni Palad na hawak nila ang tatlong mobile phones ni Madriaga na naglalaman umano ng mahahalagang ebidensya.

Handa rin silang isailalim ang mga ito sa forensic examination upang patunayan ang mga alegasyon ng iregularidad sa pondo at ugnayan sa ilang personalidad.

Sa salaysay kasi ni Madriaga, idinawit niya ang mga pangalan nina Michael Yang, dating adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, at Ling Wei Xiong sa mga transaksyon at pagdedeliber ng pera.

Bagama’t nalaman lamang umano nila sa mga balita na ginamit ang affidavit ni Madriaga sa impeachment, tiniyak ng kampo nito na handa silang magprisinta ng mga electronic records sakaling umakyat ang kaso sa paglilitis.

Nuong Biyernes, kinumpirma ni House Secretary General Atty. Cheloy Garafil na kanila ng nai-transmit sa Office of the Speaker ang dalawang impeachment complaints na inihain laban kay VP Sara Duterte.