Nangako ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng sapat na trabaho, tulong, at livelihood sa mga mangagawa sa Pilipinas na posibleng ma-displace dahil sa epekto ng giyera sa Middle East.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations at Migrant Wokers Committee ukol sa epekto ng giyera, tinanong ng committee chairman na si Sen. Erwin Tulfo kung may nakahandang plano ang DOLE kung may mga magsasarang negosyo o mga magbabawas ng mag mangagawa dahil sa mataas na presyo ng petrolyo.
Sagot ni Labor Undersecretary Carmela Torres, mayroon nang naghihintay na trabaho dito sa Pilipinas habang tinitingnan din nila ang lahat ng available na maaaring i-alok sa mga mangagawa.
Ayon kay Torres, kailangan ding matukoy ang kategorya ng trabaho na papasukan ng mga mangagawa tulad ng professional, skilled, atbpa, upang mai-akma ang i-aalok na trabaho sa kanila.
Nakahanda rin aniya ang livelihood at emergency employment para sa mga manggagawa na ang nais lamang ay short term employment .
Mag-aalok din aniya ang DOLE skills training para mai-akma ang mga ito sa trabahong dapat at nais nilang pasukan.
Nang matanong ang opisyal ukol sa kung gaano karaming mangagawa ang kayang i-accommodate ng DOLE, tiniyak niyang may sapat na trabaho at livelihood na kayang i-alok ng pamahalaan sa mga mangagawa.
















