-- Advertisements --

Binatikos ni House Committee on Human Rights Chairman Bienvenido Abante si Navotas Rep. Toby Tiangco dahil sa umano’y paulit-ulit at walang basehang paratang laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Speaker Martin Romualdez kaugnay sa isyu patungkol sa budget.

Ayon kay Abante, nagdudulot lamang ng kalituhan at pagkakawatak-watak ang mga pahayag ni Tiangco. 

Hamon ni Abante kay Tiangco na kung mayruon itong ebidensiya ilabas niya ito at kung wala ay itigil na ito dahil paulit-ulit na lamang na tila isang sirang plaka.

Itinanggi na rin ng Malacañang ang sinasabing pribadong pahayag ng Pangulo laban kay Romualdez. 

Iginiit ni Abante na nalinis na si Romualdez ng Independent Commission on Infrastructure at wala ring ebidensiyang nakita ang Senate Blue Ribbon Committee, ayon kay Sen. Ping Lacson.

Dagdag pa niya, walang kasong inihain laban kay Romualdez sa Ombudsman, DOJ, o Sandiganbayan. 

Hinimok ni Abante ang mga mambabatas na itigil ang intriga at magtuon sa makabuluhang trabaho para sa bayan.