-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nagsampa na ng kasong pagnanakaw ng mga mineral o paglabag sa Republic Act 7942 o mas kilala bilang Philippine Mining Act of 1995 ang Criminal Investigation and Detection Group o CIDG-Caraga laban sa 17 small-scale miners na naaresto sa ikinasang anti-illegal mining operations noong Biyernes, Enero a-23, sa Sitio Sopon, Barangay Alegria, bayan ng San Francisco, Agusan del Sur.

Sa isang eksklusibong panayam sa Bombo Radyo Butuan, sinabi ni PMajor Dorothy Tumulak, hepe ng Operations Division ng Police Clearance and Records Section o PCRS ng CIDG-Caraga, na pawang mga Pilipino ang mga naaresto at kasalukuyang nakapiit sa detention facility ng San Francisco Municipal Police Station.

Ayon sa kanya, isinagawa ang operasyon katuwang ang mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources o DENR-Caraga matapos mapatunayan ang katotohanan ng reklamong natanggap mula sa isang concerned citizen. Sinisiyasat din nila kung may dayuhang financier ang mga nasabing minero, lalo na’t naisyuhan na ang mga ito ng cease and desist order noong Mayo ng nakaraang taon.

Dagdag pa ni Major Tumulak, maraming ebidensiya na tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱510K ang nakumpiska sa operasyon na gagamitin sa pagsasampa ng kaso. Kabilang dito ang 55 piraso ng rock materials na pinaniniwalaang may halong ginto, mga chainsaw, water pump, at iba pa.

Sa ngayon, hinihintay na lamang nila ang resolusyong ilalabas ng piskalya upang malaman kung magkano ang ire-rekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng mga akusado.