-- Advertisements --

Trending ngayon sa social media ang bagong portrait ng Filipina beauty queen na si Binibining Pilipinas Universe 2019 Gazini Ganados matapos itong ipakilala bilang bagong kalahok sa inaugural edition ng Miss Grand International All Stars.

Kahapon ng gabi Marso 12 nang ilabas ng Miss Grand International ang headshot ni Gazini sa kanilang social media page upang ipakilala siya bilang isa sa mga delegado ng kauna-unahang MGI All Stars pageant.

Ang MGI All Stars ay isang espesyal na edisyon ng patimpalak na nagtitipon ng mga beterano o dating kalahok sa iba’t ibang national at international beauty pageants upang muling magtagisan para sa isang malaking international title.

Bukas ang kompetisyon sa mga kandidatang sumali na sa iba pang pageants, kabilang ang mga nanalo na ng international titles, pati na rin sa mga may asawa, may anak, at transgender women.

Inilarawan ng organisasyon ang Filipina-Palestinian model, aktres at TV personality bilang kilala sa kanyang “striking beauty, commanding stage presence, and inspiring life story.”

“Rising to international recognition through the world of pageantry, she has become one of the Philippines’ most recognizable beauty queens,” ayon sa MGI All Stars.